BAHAGYANG pinawi ng Department of Budget and Management (DBM) ang pangamba ng mga mamamayang lubos na umaasa sa kalinga ng pamahalaan sa gitna ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Sa isinagawang joint panel hearing ng House Legislative Energy Action Development Council, ibinahagi ni acting DBM Secretary Rolando Toledo ang kahandaan ng pamahalaan tumugon sa tawag ng saklolo bng sambayanang Pilipino.
Ayon kay Toledo, may nakalaang P238 bilyong pondo ang administrasyon bilang ayuda sa mga sektor na lubhang apektado ng oil price shock.
“To respond to the crisis we are experiencing, we have identified around P238 billion from available appropriations. We have to be prudent. The assistance must be targeted to those who are most vulnerable,” wika ni Toledo sa mga kongresista na dumalo sa joint House panel hearing.
Dagdag ng Budget official, nasa P2.5 bilyon na ang inilabas para tulungan ang nasa transport sector at P1 bilyon naman ang ginamit para sa service contracting scheme, na layong matiyak na may sapat na public transport sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Mayroong din aniyang cash support na ipinatupad sa ilalim ng Aid to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
“Support for overseas Filipino workers has likewise been funded through the Department of Migrant Workers and the Overseas Workers Welfare Administration. The government can still expand current safety-net programs if the crisis worsens,” dugtong ng Kalihim.
Ayon kay Toledo, mayroon din umiiral na programa ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Health (DOH) na pagtulong sa mga nangangailangan, habang ang nasa farm at fisheries sectors naman ay may nakalatag na halos P10 bilyon sa ilalim ng Presidential assistance program para maibsan ang pagtaas sa production at logistics costs.
Ang naturang pagdinig ay alinsunod na rin sa direktiba ni House Speaker Faustino Dy III na pagbuo ng joint panel deliberation ng 13 key House committees para magkaroon ng coordinate energy, fiscal at sectoral responses sa oil shock sa pagitan ng Kamara at Executive department.
Samantala, iginiit ni Energy Secretary Sharon Garin sa 13-committee Legislative Energy Action Development Council na ‘under control’ ang suplay ng petrolyo sa bansa.
“While the oil crisis is already pushing up costs across the economy, the country’s fuel position remains under control for now as the government intensifies supply protection and consumer mitigation measures,” bungad ng lady Secretary.
“Currently, our supply is on average 50.42 days. It’s not like we’re finished after 50 days. It’s the time for us to replenish what we consume,” sambit pa ni Garin.
“The DOE has been working with oil companies, embassies and foreign partners to keep the supply chain moving. To reinforce the country’s buffer, the government has begun building additional stocks,” aniya pa.
Mayroon na rin umanong ikinasang pondo ang administrasyon para sa pagbili ng dalawang milyong bariles ng langis, at sa kasalukuyan ay nagawa na nitong makakuha ng isang million bariles na suplay.
Mahigpit na rin aniyang tinututukan ng Energy department ang kampanya laban sa hoarders at profiteer’s ng iba’t-ibang petroleum products sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lahat ng law enforcement agencies.
Sa usapin naman ng energy generations, sinabi ni Garin na mayroon ng hakbang para mapigilan ang pagsipa sa electricity rate mula sa dapat na pagtaas na P4.00 ay magiging P1.00 lamang, habang pinabibilis na rin ang pagpapatupad ng 1,471 megawatts of renewable energy projects para mabawasan ang dependency sa imported fuel sa pag-produce ng kuryente.
Malaking tulong din aniya ang Earth Hour kung saan sa pagpatay ng kuryente sa loob ng isang oras lamang ay katumbas na ito ng 145.6-megawatts saving sa power consumption.
