WALANG silbi ang manhunt operation laban sa puganteng gaming tycoon na pinaniniwalaang utak sa likod ng pagdukot at pagpatay sa mahigit 100 missing sabungero.
Sa isang panayam sa radyo, personal na kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na natakasan ni Charlie “Atong” Ang ang pamahalaan.
Katunayan aniya, namataan sa Vietnam ang negosyante kabilang sa mga tinaguriang “most wanted.”
“Si Atong Ang, ang latest balita namin ay nasa Vietnam. Gumagawa kami ng diplomatic efforts para kausapin ‘yung counterparts namin doon para tingnan ‘yung immigration records nila kung nandoon talaga (si Atong Ang),” wika ni Remulla.
“I think sa backdoor siya dumaan noong na-announce na aarestuhin na siya. Doon siya sa Mindanao papuntang Malaysia tapos umabot siya ng Vietnam… mga two weeks before yata nakaalis na by a backdoor,” dugtong ng Kalihim.
Una nang naglabas ng warrant of arrest ang husgado laban kay Ang na nahaharap sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention.
Buwan ng Pebrero nang itinaas ni Remulla sa P20 milyon ang gantimpala sa ulo ni Ang.
Samantala, sisikapin umano ng Bureau of Immigration (BI) na ipagkaloob sa DILG ang lahat ng tulong para sa ikadarakip ni Ang.
Pag-amin ni Dana Sandoval na tumatayong tagapagsalita ng BI, hindi iposible ang tinuran ni Remulla sa kinaroroonan ng pangunahing suspek sa missing sabungero case.
Nang tanungin kung paano nakalabas ng bansa si Ang sa kabila ng paghihigpit ng pamahalaan sa mga paliparan at pantalan, iginiit ni Sandoval na departure records lang ang batayan ng BI sa unang pahayag kung saan iginiit ng BI na nasa Pilipinas pa rin ang wanted na gaming tycoon. (Dagdag ulat mula kay Juliet Pacot)
