TULUYANG ibinaon ni former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo si dating Senador Bong Revilla sa inilahad na testimonya sa pagdinig ng Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay Bernardo, personal niyang inihatid ang kabuuang P250 milyong “commitment fee” kay Revilla.
Sa kanyang testimonya, inamin ni Bernardo na ang naturang halaga ay komisyon ni Revilla sa P92.8-million flood control project sa Bulacan.
Isinagawa ang pagdinig bilang bahagi ng bail hearing ni Revilla at ng lima pang kapwa akusado sa kasong malversation.
Paglilinaw ng dating DPWH official, hinati sa dalawa ang P250 milyon. Ang unang P125 million inihatid sa tinaguriang “White House residence” ni Revilla noong 2024, habang ang nalalabi pang P125 million tinanggap ng dating senador buwan n g Marso ng nakalipas na taon.
Ibinunyag din ni Bernardo na may hiwalay pang P250 milyon na ibinigay para sa kampanya ng noo’y reelectionist senator.
Bilang patunay, inilarawan pa ng dating DPWH official ang pinaglagyan ng pera — anim na kahon at isang paper bag sa unang pagkakataon, 13 kahon sa ikalawa at anim na kahon muli sa ikatlong delivery.
