ANG Department of Justice (DOJ) lang ang awtorisado maghatid ng tinatawag na “update” hinggil sa pagbabalik ni former Ako-Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Hindi man hayagan, mistulang pasaring sa magkapatid na Remulla (Ombudsman Boying at DILG Sec. Jonvic) — na kilala sa pagpapatawag ng press conference — ang pahayag ni Executive Secretary Ralph Recto.
Paglilinaw ni Recto, wala pang malinaw na impormasyon ang gobyerno sa kalagayan ni Co sa Czech Republic kung saan inaresto umano ang puganteng kongresista.
Gayunpaman, tiniyak ni Recto na gagawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang maibalik sa bansa ang dating partylist solon.
Una nang umalis sa bansa si Justice Secretary Fredderick Vida para makipag-ugnayan sa mga opisyal ng Czech Republic para sa repatriation o deportation ni Co.
Inaasahang naman aniya ang pagbabalik ni Vida sa susunod na linggo para sagutin ang mga katanungan ng publiko kaugnay ng nangyari sa dating congressman na nahaharap sa patong-patong na kaso kaugnay ng flood control scandal.
“But be rest assured na gagawin ng ating pamahalaan ang dapat magawa para maibalik si Zaldy Co,” ani Recto.
