TINULIGSA ng grupong Power for People Coalition (P4P) si Department of Energy (DOE) Undersecretary Rowena Guevarra matapos igiit na halos 20 gigawatt (GW) ng mga coal expansion projects ang hindi saklaw ng coal moratorium na ipinag-utos ng ahensya noong 2020.
Ayon sa isang pag-aaral ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), halos 1.8 GW lang ang mga proyektong naaprubahan na hindi saklaw ng moratorium na ito. Upang maging exception sa moratorium, dapat ang proyekto ay nasa committed status na; nakatayo na at may merong kumpirmadong expansion plans; o may lupang nabili o inuupahan na at naaprubahan na ng local government units at Regional Development Councils.
“Mukhang labag sa loob ng DOE ang coal moratorium kaya ganyan karami ang planta ng coal na gusto nitong ipasok sa exemptions. Kahit pa sabihin natin na 6 GW lamang ang itutuloy sa mga proyektong ito, mangangahulugan lang ito na walang pangil ang moratorium na ipinatupad at walang interes ang ahensiya na pigilan ang pagbaha ng coal,” sabi ni Gerry Arances, lider ng grupo.
Naglabas ng pahayag ng DOE matapos kasuhan sa Ombudsman si DOE Secretary Raphael Lotilla sa pagpayag nito na magtayo ng bagong planta ang kumpanyang Aboitiz sa Toledo City, Cebu, isang malinaw na paglabag sa moratorium.
“May tungkulin ang DOE na ipatupad ang lahat ng batas, at alituntunin pero iniilagan nito ang kanyang responsibilidad sa pamamagitan ng mapanlikhang interpretasyon sa kung ano ang exempted. Matagal na kaming nananawagan ng transparency sa mga proyektong hindi saklaw ng moratorium – saan nagmumula ang mga numero ng DOE kung ang huling nilabas nitong papasok na coal capacity nito ay hindi nga aabot ng 4 GW?,” dagdag pa nito.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo sa DOE, na ayon sa kanila ay matagal nang sinalaula ang mandato nitong magbigay ng energy security sa bansa at siguraduhin na ang kuryente ay abot-kaya at maaasahan ng mga konsyumer.
“Sa lahat ng pagkakataon, binabalewala ng DOE ang kanyang mandato para magbigay pabor sa mga proyektong fossil fuels gaya ng coal. Magastos ang coal dahil ito’y imported, at lalo pang nagmamahal sa panahon ng krisis. Madumi ang coal, nagpapalala ito ng polusyon sa lupa, katubigan at hangin, na nagdudulot ng sakit habang nagiging higit na mapanira ang mga bagyo. Kung susumahin, palpak ang coal pero patuloy itong isinusulong ng DOE,” sabi naman ni Bishop Gerry Alminaza, Vice Chairperson ng Caritas Philippines.
“Ayon sa mga kasunduang pinirmahan nito, ang Pilipinas ay may responsibilidad na limitahan ang pagtindi ng krisis sa klima sa 1.5°C. Para magawa ito, dapat itigil na ang paggamit ng coal – moratorium para sa mga bagong proyekto ang susi dito. Binabalahura ng DOE ang ating international commitments at lumuluhod sa industriya ng coal habang napipinsala tayo,” dagdag nito.
Nanawagan si Alminaza sa DOE na manindigan sa mandato nito at protektahan ang mga konsyumer at ating mga kababayan sa pinsalang dulot ng coal.
“Tayo ay katiwala ng likha ng Panginoon. Linalason ng coal ang kaisa-isa nating tahanan. Kailangan ni Sec Lotilla na tuparin ang kanyang tungkulin – protektahan tayo at huwag umasa sa imported na enerhiya, protektahan tayo sa polusyon at kapahamakan. Protektahan ang mga konsyumer sa labis na paniningil at hindi maaasahang kuryente. (PR)
