
SA mata ng dalawang mapanuring senador, walang pinag-iba ang pagtakas ni former presidential spokesperson Harry Roque sa pagpuslit patungo sa bansang Indonesia ni former Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa magkahiwalay na pahayag, kapwa kinastigo nina Senador Sherwin Gatchalian at Senate Minority Leader Risa Hontiveros ang Bureau of Immigration (BI) sa anila’y kapalpakan ng kawanihan.
Hindi rin anila kapanipaniwalang hindi alam ni BI ang paglabas sa bansa ng dating tagapagsalita ng Palasyo na nasa tinatawag na Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).
Ayon kay Gatchalian, kahit walang hold departure order laban kay Roque, maaaring matunton ang kontrobersyal na abogado na sangkot sa illegal POGO operation sa bisa ng ILBO.
“[ILBO] activates all the ingress and egress, all the border control natin. And yet, nakalabas siya. So talagang malaking pagkukulang ng Immigration kung paano siya nakalabas,” ayon kay Gatchalian.
“I hope this is not an Alice Guo part 2 na allegedly nagbarko and all that. But hindi ka pwede magbarko all the way to the Middle East. It’s impossible yan. Malaki talaga ang pagkukulang ng Bureau of Immigration pagdating sa border control. And, ito yung isang bagay na titignan din namin,” dagdag niya.
Para kay Gatchalian, lubhang nakababahala ang kawalan ng departure record ng isang high profile personality tulad ni Roque.
“It’s either may mga sindikato at corrupt officials na pinatakas siya or talagang mahina yung ating sistema at proseso dito. It can be both. So, ito kailangan imbestigahan,” ani Gatchalian..
“I’m thinking of looking at this seriously, not because of Harry Roque alone, but nangyari na ito kay Alice Guo at siguro nangyayari ito regularly, hindi lang natin alam. So dapat tignan talaga yung pagkukulang ng Bureau of Immigration,” dagdag ng senador.
Paglalarawan ni Gatchalian sa BI — “weakest link” sa dalawang insidente ng eskapo.
“Ang danger dito, it’s the weakness of our institution. Nobody will believe us anymore. Kahit na mag-issue ng warrant ang House, issue ang warrant ng Senate, issue ang warrant ng executive, for example, NBI, pwede lang sila tumakas at pumunta sa ibang bansa,” paliwanag ni Gatchalian.
“It weakens the institution because justice is not being served. When you say justice, full cycle yan, from the start to the end. Pero kung sa gitna nakakatakas siya, then walang kwenta ang institutions natin,” giit pa ng senador.
Sa hiwalay na pahayag, hinikayat ni Hontiveros, nanguna sa imbestigasyon ng POGO, ang BI at iba pang law enforcement agencies na tukuyin sa mas lalong madaling panahon kung sinong personalidad ang tumulong sa pagtakas ni Roque na walang nakakaalam.
“Ang Dubai ay isang POGO hub kaya baka mga POGO actors din ang tumulong sa kanya,” ayon kay Hontiveros.
“The BI still has a lot of explaining to do. Kahit ang pagtakas ni Guo Hua Ping papuntang Indonesia, wala pa rin silang sagot kung paano nangyari,” giit ni Hontiveros.
Kinastigo din ni Hontiveros ang BI sa mabilis na pagtakas ng pugante palabas ng bansa.
“Kapag mga ordinaryong Pilipino na lumalabas ng bansa, pahirapan sa Immigration, pero kapag mga pugante, tila ang dali makalusot,” aniya.
“POGO is officially banned in the country kaya dapat wala nang anumang impluwensya ang mga taga-POGO sa ating mga institusyon, lalo na sa ating Immigration,” giit pa ng senador. (Estong Reyes)