Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, hindi angkop na patagalin pa ang implementasyon ng P500 buwanang diskwento para sa sektor ng senior citizens at persons with disability (PWD) sa pagbili ng grocery items.
Sa pagdinig ng House Ways and Means Committee, ipinaalala ni Tulfo ang pangako ng Department of Trade and Industry (DTI) kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez noong nakaraang linggo hinggil sa nasabing pagtaas ng diskwento para sa senior citizens at PWDs.
Sa kasalukuyan, nasa P65 kada linggo o P260 lamang kada buwan ang diskwentong natatanggap ng mga naturang sektor.
Sinabi ni Tulfo na dumalo siya sa pulong ng Speaker kasama si DTI Undersecretary Carolina Sanchez at nais niyang malaman mula sa mga ahensyang nagpapatupad kung ano na ang estado ng pangako nila kay Romualdez.
“Nangako ang DTI kay Speaker na ipatutupad ang pagtaas ng diskwento sa grocery para sa mga pangunahing pagkain, karne, at agricultural products sa katapusan ng buwang ito… we have to have it quickly,” ani Tulfo.
Tugon naman ni Director Marcus N. Valdez ng Consumer Policy and Advocacy Bureau ng DTI, nakikipag-ugnayan na di umano ang ahensya sa Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) para sa pagpapatupad ng pagtaas ng diskwento.
“We confirm the promise made last week and the timeline,” anang opisyal.
Ayon naman kay Agriculture Assistant Secretary for Consumer Affairs and concurrent for Legislative Affairs Genevieve E. Velicaria-Guevarra, nagtakda na sila ng public consultation sa Marso 11 at 12 bago ibigay ang pagtaas ng diskwento.
Samantala, sinundan din ni Tulfo ang pangako ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kay Speaker Romualdez sa pagtaas ng diskwento sa mga bayarin sa ospital at professional fees ng pasyente mula sa 30 porsyento hanggang 50 percent.
“May pondo kayo, may subsidy pa kayo (mula sa pamahalaan). In our calculation, PhilHealth can afford to shoulder 50 percent of the cost of hospitalization and professional fees,” giit ni Tulfo said.
Ani Tulfo, mahirap para sa mga miyembro ng PhilHealth, na karamihan ay mga empleyado, ang sagutin ang 70 porsyento ng gastusin, batay sa kasalukuyang subsidy rate na 30 percent.
“Mabigat ang 70 percent,” sabi pa ni Tulfo kung saan marami pasyente umano ang kinakailangan na mangutang para lamang mabayaran ang kanilang hospital bills.
