Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASABAY sa pagdiriwang ng National Women’s Month, hiniling ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na madaliin ang pagbibigay ng libreng mammogram, ultrasound at iba pang medical test sa mga kababaihan.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, Committee on Senior Citizens at Special Committee on Persons with Disabilities nitong Martes hinggil sa pagbibigay ng diskwento at mga benepisyo sa mga senior citizen at PWDs, iginiit ni Tulfo na dapat din bigyan ng libreng benepisyo sa mga medical examination ang mga kababaihan na miyembro ng PhilHealth.
“It was brought up (during last hearings) yung basic diagnostics, x-rays, ultrasound, ECG and particularly mammogram should be free courtesy of PhilHealth lalo na mga kababaihan particularly women’s month ngayon,” ani Tulfo.
“Pwede po ba gawing libre na ang mammogram para sa mga kababaihan natin. I think nasa top five po ng causes of death ng Filipino women ang cancer of the breast,” dagdag pa niya.
Ayon kay Tulfo, ito rin aniya ang kahilingan ni Rep. Yedda Marie Romualdez, maybahay ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at kinatawan ng Tingog Partylist, base sa kanilang mga pagpupulong.
“Ito ang napagkasunduan namin ni Rep. Yedda Romualdez sa aming pag-uusap na talagang dapat ay may libreng mga medical examinations ang mga kababaihang miyembro ng PhilHealth,” paglalahad pa ni Tulfo.
Sa isang ulat, lumalabas na noong nakaraang taon, aabot sa 86,484 ang may cancer sa Pilipinas. Sa naturang bilang, 27,163 ang breast cancer kung saan ang mas nakababahala ay nasa 9,926 Filipino women ang nasawi sa breast cancer, na itinuturing na pangatlo sa pinaka nakamamatay na uri ng karamdaman sa hanay ng mga kababaihan.
Tugon naman ni PhilHealth Regional Office NCR Vice Pres. Bernadette Lico sa hirit ni Tulfo, ginagawan na di umano nila ng paraan ang mga nasabing mungkahi ng kongresista.
“Your recommendation for ultrasound and mammogram will be included later on kapag nagkaroon na po tayo ng comprehensive allocation benefit package,” sabi pa ni Lico.
Subalit giit ng ranking House official, dapat itong madaliin ng PhilHealth.
“Can we fast track it or can we do something about it kasi check-up will be a preventive measure para po sa ating mga kababaihan. Para yung mga kababaihan alam nila kung ano ang gagawin nila kung ma-detect ang kanilang sakit at an early stage then she can be treated,” giit pa ni Tulfo.
“Why not gawing libre kapag member siya ng PhilHealth. Kahit once a year lang na pwede po yung member magpacheck-up ng mammogram o kaya po ultrasound. Because it is badly needed by our women,” dagdag niya.
