SINUPALPAL ng Liberal Party ang paandar ni former Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsabing si Vice President Sara Duterte ang tatayong lider ng oposisyon matapos kumalas sa gabinete ng administrasyong Marcos.
Giit ni Albay Rep. Edcel Lagman, Liberal Party pa rin ang kinikilalang tunay na oposisyon.
“Vice President Duterte may assume the leadership of the partisan opposition to the Marcos Jr. administration, but LP remains the ideological and conscientious opposition to both the current administration and Duterte’s breakaway power bloc,” wika ni Lagman na tumatayong pangulo ng partido.
Sa isang bukod na pahayag, kinastigo ni LP spokesperson at dating Sen. Leila de Lima, wala sa track record ni VP Sara na maging lider ng oposisyon.
“Ang tunay na oposisyon, may pundasyon ng accountability, transparency, at pagmamalasakit sa mamamayan–mga bagay na hindi makikita sa track record ni VP Sara,” banat ni De Lima na pitong taon sa bilangguan matapos sampahan ng di umano’y gawa-gawang kaso ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
“Sa kanyang pagbibitiw, wala namang naganap na pag-ako sa responsibilidad, o pagbabago ng mga prinsipyo at paninindigan. Paano naging oposisyon ang may pananagutan hanggang ngayon, sinisingil pa ng taumbayan?” dagdag pa ng dating senador.
