ILANG araw matapos magbitiw sa gabinete ng administrasyong Marcos si Vice President Sara Duterte, nagpasaring si Senador Robin Padilla kaugnay ng usapin sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) pamahalaan.
Ayon kay Padilla, hindi angkop na China ang makinabang sa programang modernisasyon ng pampublikong transportasyon.
Hirit ng dating artista sa gobyerno, ibigay ang supply deal sa local manufacturers ng mga tinaguriang modern jeepney.
“Hindi kami kontra sa modernization. Walang taga-gobyerno ang kokontra sa modernization. Yun lamang po, yun lang sana suportahan po natin ang lokal nating gumagawa, bago natin bigyang importansya ang ating dayuhan katulad ng kilala na, bihasa na,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate committee on public service kaugnay ng mga hinaing ng mga tsuper at operator ng mga traditional jeep.
Para sa senador, hindi matatawaran ang ambag ng sektor ng mga tsuper sa pampublikong transportasyon, kasabay ng pasaring sa aniya’y gobyernong nagbibingi-bingihan ang panaghoy ng hanay ng mga jeepney drivers.
“Sa panahon po na tila mas marami ang dumadaing, umaaray, sa isinusulong na programa po ng ating pamahalaan, hindi po tayo maaaring magbingi-bingihan, bilang tayo po ay public official, tayo ay nag-oath na pangangalagaan natin ang ating taumbayan, kailangan natin pakinggan ang ating mga bayaning jeepney driver.”
