
Ni Ernie Reyes
SUPORTADO ni Senador Francis Tolentino ang panukala ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na idulog sa United Nations General Assembly (UNGA) ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS) na sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ni Tolentino na tama si Carpio sa panukalang idulog sa UN ang panghihimasok at panggigipit ng Chinese Coast Guard sa ating mangingisda sa WPS dahil binabalewala ng Beijing ang arbitral ruling.
“I think Carpio is right [when he suggested] to elevate this to the consciousness of the member states of the [UNGA] since China has been disregarding the arbitral ruling,” ayon kay Tolentino.
Tinutukoy ni Tolentino ang landmark victory ng Pilipinas noong 2016 sa arbitration court sa The Hague na nagbabasura sa sinasabing “nine-dash line”ng China na sumasakop sa halos buong South China Sea.
“There’s nothing wrong with [Carpio’s suggestion] as it will really make this an international issue,” aniya.
Naunang naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros nitong June 19 na nananawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggin ang aksiyon ng UNGA upang tuldukan ang harassment ng China sa barko ng Pilipinas sa 370-kilometer exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sinabi ni Carpio, nangunguna sa pagtuligsa sa panghihimasok ng China na dapat maghain ng resolusyon ang Pilipinas sa UNGA upang pilitin ang Beijing ng respetughin ang arbitral ruling.
“That will be put to a vote. I think we will win there,” aniya sa isang forum.
Ayon naman kay Tolentino, magkakaroon ng linaw ang sitwasyon ng ordinaryong mangingisda na pinaalis ng China sa pangisdaan ng bansa sa loob ng EEZ dahil illegal na nakapapasok ang Chinese patrol vessel sa ating teritoryo.
Aniya, depende ang magiging resulta sa ruling ng UNGA sa ihahain na resolusyon ng Pilipinas laban sa China.
“It depends on how our representative in the UNGA would explain the issue,” ayon sa senador.
“But we have all the documents, not just the arbitral ruling, but also [the reports on] the bullying and other violations that China has been committing in the West Philippine Sea,” giit pa niya.