MATAPOS mabulilyaso ang budget insertion para sa pagbili ng 80,000 assault rifles sa halagang P100,000 kada piraso, isusulong naman ngayon ng isang kongresista ang paglalaan ng pondo para sa modernong paraan sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa bagong anyo ng kriminalidad.
Sa ilalim ng House Bill 2244 na akda ni Paranaque Rep. Brian Yamsuan, partikular na tinutulak ang isang nakalimutang bahagi ng PNP Modernization Program — ang siyentipikong paraan sa larangan ng imbestigasyon.
Bahagi ng panukala ang paglalaan ng pondo para makabili ng karagdagang kagamitan para umano makasabay ang PNP sa mga sopistikadong anyo ng kriminalidad.
Isinusulong rin ng kongresista ang paglikha ng Crime Investigation Modernization Committee na pamumunuan ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), kasama ang National Bureau of Investigation, hepe ng pambansang pulisya at dalawang forensic experts.
Target din tustusan ng panukala ang gastos para isailalim sa pag-aaral at forensic training ang mga PNP personnel, kasabay ng hirit na pagbalangkas ng bagong PNP ng standard manual.
Binigyang halaga rin ni Yamsuan ang forensic technology transfer mula sa mga foreign police agencies. (EDWIN MORENO)
