SA kabila ng posisyon ng Senate impeachment court, determinado pa rin ang prosekusyon ilantad sa pagdinig ang mga bank records ni Vice Presidente Sara Duterte.
Para kay House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, hindi dagok sa sa lupon ng tagausig ang hirit ng impeachment court na huwag obligahin ang nasasakdal aminin o itanggi ang ipiprinsitang bank at financial records bilang ebidensya.
“This is not a setback, I think,” wika ni Zamora.
“You know, even if the ruling was adverse to the prosecution, I think we will still continue with the strategy, the plan of the prosecution,” dugtong ng kongresista bilang tugon sa pagkatig ni Presiding Officer Francis Escudero sa pagtanggi ng defense panel sa “request for admission” sa 104 dokumentong kinabibilangan ng bank records na naunang ipina-subpoena ng impeachment court.
Bagama’t hindi naman ibinasura ng impeachment court ang hiling ng prosekusyon, binigyan-linaw ni Escudero na ang pagtanggi ni Duterte na kumpirmahin ang mga dokumento ay hindi maituturing na isang pag-amin.
Dagdag pa ng presiding officer, may “constitutional right against self-incrimination” ang nasasakdal at hindi maaaring gamitin ng prosekusyon ang proseso para malipat sa bise presidente ang tungkuling patunayan ang inihaing impeachment charges.
Ayon naman kay House impeachment adviser and spokesperson Ace Barbers, hindi mapipigilan ng impeachment court ruling ang pagpiprisinta ng prosekusyon ng mga ebidensya, kabilang ang bank records ng akusado.
“Magandang development yan dahil, in the first place, tayo nga’y nag-request—ang prosecution nga nag-request—na ito ay ma-subpoena, nang sa ganun ay mapag-usapan at magkaroon ng kalinawan tungkol dito sa usapin ng mga bank records na ito,” ani Barbers.
Matatandaan na kabilang sa pina-subpoena ng impeachment court ang bank, tax at Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagprisinta ng prosekusyon sa tinaguriang unexplained wealth charge laban sa bise presidente.
Kung patuloy aniya ang pagmamatigas ang depensa, posibleng ipatawag na lang bilang saksi ang ilang bank officials para magbigay ng testimonya hinggil sa nasabing mga dokumento.
