Ni Estong Reyes
NAKATAKDANG ikumbina ng Senado ang Committee of the Whole upang simulan ang deliberasyon n Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagpapanukalang amendahan ang ilang economic provision ng 1987 Constitution, ayon kay Senador JV Ejercito.
Nakatakdang pangunahan ang Committee of the Whole ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na mahigpit na tumututol sa peoples initiative ni House Speaker Martin Romualdez na nangangalap ng lagda kapalit ng P100 ayuda.
“We will push through with what was agreed upon. Again, naka-schedule na yata, Committee [of] the Whole na yata would hear already itong [constitutional] amendments on economic provisions, RBH 6, I think scheduled supposedly this Wednesday,” ayon kay Ejercito sa press conference.
Naunang naantala ang deliberasyon g RBH No 6 dahil sa patuloy na pag-init ng komokontra sa peoples initiative ni Romualdez na umani ng kabila-kabilang pagbatikos sa ilang mambabatas.
Naunang hinimok nina Senador Alan Peter Cayetano, Grace Poe at Nancy Binay ang mamamayan na tutulan at ibasura ang peoples initiative dahil walang ibang makikinabang nito kundi ang pulitikong nagtutulak, malulusaw ang Senado bilang isang institusiyon at magkakaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa.
“I think, after the meeting with the President (Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.). At least, ang sabi namin, on our part, we will do what was agreed upon. Itutuloy natin. Kung hindi nila ituloy sa House ang pag-adopt, then sila po ang hindi tumupad,” ayon kay Ejercito.
Nakatakdang magpulong ulit ang Senado ngayon upang isapinal ang plano sa deliberasyon ng RBH 6, ayon kay Ejercito.
“That will be discussed in our caucus. Dahil nga fluid ang situation, medyo madalas kaming nagka-caucus. Isipin mo we are on our second week, lahat to nade-derail kahit papaano naapektuhan because of what is happening. Nakakapanghinayang eh. We are wasting a lot of time,” ani Ejercito.
“I-recall na lang at itigil ang people’s initiative. Palagay ko andaming oras na nasasayang,” giit niya
Naunang ikinabahala ni Cayetano na magkakaroon ng posibleng negatibong kahihinatnan ang tangka ni Romualdez na amendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng constitutional assembly na bobotong magkasanib ang buong Kongreso.
Sinabi ni Cayetano na nakakabahala ang peoples inititiative ni Romualdez dahil lulusawin nito ang kapangrihan ng Senado kaya’t maaari nang amendahan ang Saligang Batas sa kabuuan o alinmang probisyon nito tulad ng pulitikal.
“Kapag pumasa itong proposal nila sa PI, mas madali pang baguhin ang Konstitusyon kaysa magpasa ng batas or to amend a law,” ayon kay Cayetano, isang abogado.
Hinimok din ni Poe ang taumbayan na ibasura ang pekeng initiative ng Mababang Kapulungan dahil tanging pulitiko lamang ang makikinabang dito.
“Sa bangayan dito sa pekeng initiative, inuuna na naman ng ibang tao ang politika kaysa problema ng bayan,” ayon kay Poe.
“Isa lang naman ang solusyon dyan: tigilan nyo na itong pekeng initiative. We, in the Senate, are ready to work and focus on the things that matter––and we hope the House is ready to set aside this PI and do the same,” ani Poe.
Ayon naman kay Binay, hindi papayagan ng Senado na manaig ang pansariling interes ni Romualdez na lusawin ang kapangyarihan ng Mataas na Kapulungan na bomoto nang hiwalay sa anumang pagbabago sa 1987 Constitution.
“Hindi po nanggaling sa Senado ang paglarga ng pekeng people’s initiative… Alam naman po ng lahat kung saan ito nagsimula, binuo at inilatag,” aniya.
“Dapat alam po ng mga taong nasa likod ng people’s initiative na may negatibo’t direktang impact and mga ganitong patagong galawang Cha-cha sa ating ekonomiya, pero itinuloy pa rin nila,” giit ni Binay.
Dalawang linggo ang nakaraan, nagkasundo sina Zubiri, Romualdez, at President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itigil ang people’s initiative at pangunahan ng Senado ang panukalang amendahan ang economic provision ng 1987 Constitution.
Nagpasa din ang Senado ng “strongly worded” manifesto na komokondena sa people’s initiative na kumakalap ng lagda kapalit ng P100 ayuda.
“This so-called ‘people’s’ initiative (PI) proposes only one change: in acting as a constituent assembly, the Senate and the House shall vote jointly,” ayon sa Senado.
“While it seems simple, the goal is apparent to make it easier to revise the Constitution by eliminating the Senate from the equation. It is an obvious prelude to further amendments, revisions, or even an overhaul of our entire Constitution,” dagdag ng manifesto.
