Ni Lily Reyes
INIHAYAG ng ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi kailanman nailagay sa ‘drug watch list’ nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., taliwas sa sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Linggo.
“The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) categorically states that President Ferdinand R Marcos, Jr is not in its watch list, contrary to the statement of former President Rodrigo Duterte, claiming that ‘when he was the mayor of Davao, he was shown evidence by PDEA that in the list, the name of the president was there,'” base sa inilabas na pahayag ng PDEA.
Sinabi ng PDEA na si ex-president Duterte ay alkalde ng Davao City mula 1988 hanggang 1998, mula 2001 hanggang 2010, at mula 2013 hanggang 2016 habang ang PDEA umano ay na-activate noong July 30, 2002. Sinabi pa ng ahensya, nang ma-activate ito, itinatag nito ang National Drug Information System (NDIS) na umiiral pa rin hanggang ngayon.
Ang NDIS ay ang intelligence database ng lahat ng drug personalities na nangangalap ng mga input mula sa mga katapat sa parehong tagapagpatupad ng batas at intelligence agencies.
Alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Republic Act 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang PDEA ay regular na nagsasagawa ng mga intelligence workshop sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang i-update ang NDIS/ Giit ng PDEA, mula umano sa pagkakabuo nito noong 2002 at hanggang sa kasalukuyan, si Pangulong Marcos, Jr ay hindi kailanman nailagay sa NDIS.
Sinabi rin ng PDEA na wala ang pangalan ni Marcos sa narco list na inilabas ng administrasyong Duterte noong ito pa ang pangulo.
Noong Linggo, binatikos ni Duterte ang people’s initiative para amyendahan ang Constitution, at inakusahan ang mga Marcos na sinusubukang ipagpatuloy ang kanilang sarili sa kapangyarihan at tinawag si Marcos na “bangag.”
Inakusahan din niya si Marcos na isang drug addict at sinabing ang nangyari sa kanyang ama na si Ferdinand Sr., na napatalsik sa kapangyarihan noong 1986 ng People Power Revolution ay maaari ring mangyari rin sa kanya.
