INALMAHAN ng mga empleyado ng government television network ang pasya ng Palasyo na sibakin sa pwesto si People’s Television 4 (PTV4) general manager Annalisa Puod.
Hirit ng PTV Employees Association (PTEA) sa isang panawagan sa Malakanyang, ibalik sa pwesto si Puod na anila’y nagpamalas ng husay sa pangangasiwa ng government television network. Hunyo ng nakalipas na taon nang hirangin si Puod
Samantala, wala pang pahayag ang Presidential Communications Office (PCO) kaugnay ng hiling ng PTEA na una nang nagpahayag ng pagkadismaya sa pasya ng Palasyo na palitan agad ang pangasiwaan ng istasyon.
Apat na araw na ang nakalipas nang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang beteranong mamamahayag na si Tony Nebrida bilang acting general manager at miyembro ng PTV4 Board of Directors na kumakatawan sa pribadong sektor.
Bago pa man lumabas ang appointment order, nagsilbing tagapagsalita ng Department of Migrant Workers si Nebrida.
Sa isang pahayag, iginiit ng mga empleyado ng state-run television network na malaki na ang pinagbago ng PTV4 mula nang pangasiwaan ni Puod ang himpilan ng gobyerno.
Katunayan anila, dumoble ang programa kasabay ng pagbaba ng 19 percent sa replay rate ng government-run TV station – bukod pa sa lumawak ang network at ang pagsalang ng Congress TV.
Dating editor-in-chief ng pahayagang Global Daily Mirror na nakabase sa Davao si Puod. Naging bahagi rin ng Bloomberg TV Philippines at ABS-CBN ang sinibak na opisyal ng PTV4.
