BILANG tugon sa panawagan ng isang grupo ng mga mangingisdang Pinoy, magdidispatsa ang pamahalaan ng tatlong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea para tiyakin ang kapakanan ng mga namamalakaya sa gitna ng bantang pag-aresto ng Chinese Coast Guard sa mga di umano’y “trespasser” sa inaangking teritoryo.
Kabilang sa tututukan ng mga bantay-dagat ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc kung saan limang barko ng China ang nakaantabay sa paglalayag ng mga mangingisdang Pinoy.
Iniutos na rin PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang deployment ng BRP Teresa Magbanua, BRP Malapascua, at BRP Sindangan para sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea para tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.
Bilang patunay, sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armando Balilo na inaalalayan na ng bantay-dagat ang FBCA Princess Yhan Yhan na may 12 tripulante at FBCA Rundel-1 na may pitong crew.
Bukod sa dalawang nabanggit na Filipino fishing vessel, tiniyak din ng PCG ang seguridad ng iba pang mangingisdang Pinoy laban sa bantang [pag-aresto ng Chinese Coast Guard na tinawag ng China na “trespassers.”
Bahagi ng misyon ng PCG patrol ships ang paghahatid ng pagkain sa mga mangingisdang naglalayag sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Gayunpaman, inamin ni Balilo na sa paglalayag ng mga PCG patrol vessels, agad na malapitang binuntutan ng Chinese Coast Guard ang BRP Sindangan.
