SA gitna ng napipintong paghahain ng petisyon naglalayong kwestyunin ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Act, nanindigan si Executive Secretary Lucas Bersamin na walang bulilyaso sa antas ng Palasyo.
Ayon kay Bersamin, hindi dapat ang Palasyo ang pinupukol ng batikos hinggil sa umano’y blank line item sa 2025 national budget.
Kung meron man umanong blank line item, iyon aniya ay ang nasa bicameral report sa 2025 national budget.

Gayunpaman, nilinaw ni Bersamin na walang plano ang Pangulo awatin ang sinuman nagnanais dalhin ang usapin sa husgado.
Ayon kay Bersamin, walang kinalaman ang Malacañang sa bicam report lalo pa aniya’t hindi naman yun ang nilagdaan ni Marcos.
“Ang problema natin diyan is hindi kami ang mananagot diyan kung meron mang pagkukulang sa bagay na yan dahil bicam report yan eh, wala kaming kinalaman sa bicam report. Ang may kinalaman lang kami ay yung finished product na pinapirmahan sa Presidente, hindi yung blank check,” saad ni Bersamin.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng Kamara at Senado.
