SA halip na aregluhin ang nabistong sablay ng daan-libong automated counting machines (ACM), nagawa pa ng Commission on Elections (Comelec) pagbalingan ng sisi ang mainit na panahon sa aberyang na naging dahilan sa pagkaantala ng botohan.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Comelec Chairman George Garcia ang mga ACM na bagamat gumana, ay nagluluwa naman ng mga balota.
Kabilang sa mga lugar kung saan naitala ang aberya sa ACM ang mga polling precinct sa New Era Elementary School sa Quezon City.
Paglilinaw ng Comelec chief, agad na pinalitan ang depektibong makina sa hangaring tiyakin ang maayos at tuloy-tuloy na proseso ng paghahalal ng mga kursunadang kandidato para sa posisyon ng senador, kongresista at maging sa mga lokal na pamahalaan.
Pag-amin ni Garcia, hindi pangkaraniwan at hindi umano niya inaasahan ang tindi ng init at dagsa ng mga botante sa mga polling precincts.
Nang tanungin hinggil sa depektibong indelible ink na madaling mabura, iniimbestigahan na umano ng ahensya ang naturang usapin.
