SA kabila ng pinagtibay na Republic Act 8435 na nagtutulak ng modernisasyon sa sektor ng pagsasaka at pangingisda, nananatiling salat ang hanay ng mga magbubukid at mamamalakaya sa mga kanayunan, ayon sa Ang Probinsyano partylist group.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Ang Probinsyano partylist Rep. Rep. Alfred Delosa Santos na mahigpit na isusulong at bibigyan ng prayoridad ang pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura para tuluyan nang tuldukan ang kahirapan.
Para kay Delos Santos, napapanahon na rin rebisahin ang RA 8435 na mas kilala sa tawag na Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) of 1997.
“Kailangan tugunan ang ilang key areas upang targetin ang pagpapahusay ng agricultural productivity, kabilang ang paggamit ng modernong teknolohiya, farming practices at quality inputs, palakasin ang market access sa pamamagitan ng research and development support; pagbibigay ng pagsasanay at edukasyon upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang magsasaka sa pamamahala at marketing technologies,” wika ni Delos Santos.
Anang kongresista, malaki ang maitutulong ng pamahalaan para tiyakin matatanggap ng magsasaka ang pantay na kita at palakasin ang komunidad sa kanayunan.
Mungkahi ng first nominee ng Ang Probinsyano partylist group, higit na angkop ang pagrerebyu sa proseso ng AFMA modernization process upang matiyak na nasa tamang landas ang pamahalaan na sa aspeto ng implementasyon alinsunod sa nakasaad sa naturang batas.
Batay sa pinakahuling pagsusuri ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS) sa AFMA noong 2022, lumalabas na hindi pa rin umuusad ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Pilipinas simula nang ipatupad ang batas.
“Nandyan na ang ating batas, kailangan natin masuri ang pagsusulong sa intensyon nito at ipatupad upang tanggalin ang hadlang sa pagpapaunlad ng ating sektor ng agrikultura at pangisdaan,” pahabol ni Delos Santos.
