November 11, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

PALUSOT NI TEVES: IPAPATUMBA KAYA AYAW UMUWI

NI ANGEL F. JOSE

WALANG plano bumalik sa Pilipinas ang kongresistang utak di umano sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo. Ang palusot ni suspended Rep. Arnolfo Teves Jr – ipapapatay daw siya ng dalawang prominenteng opisyal ng gobyerno.

Gayunpaman, tumangging pangalanan ni Teves ang tinutukoy na opisyales.

“Mala-libel kasi ako kung sasabihin ko dito. Opisyal ng gobyerno, dalawa sila. Dalawa sila, mataas na opisyal,” ani Teves sa isang panayam sa telebisyon.

Nang tanungin kung kalaban sa politika ang nagtatangka di umano sa kanyang buhay, hayagang sinabi ng bruskong kongresista na hindi niya karibal sa mga nagdaang halalan maski isa sa dalawa.

Ayon kay Teves, nabisto niya di umano ang planong paglikida sa kanya nang aminin mismo sa kanya ng mga inatasan isakatuparan ang ‘‘maitim na balak’ laban sa kanya.

“Nung nag-order siya to kill me directly, doon siya nagkamali. Alam mo bakit? Nakalimutan nila na lahat naman ng tao, may kilala kahit saan. Walang usok na natatago. Nag-li-leak yung impormasyon,” sambit ng suspendidong kongresista.

Maging ang pagtatanim di umano ng mga ebidensya sa bahay niya, iniutos aniya ng dalawang opisyales ng pamahalaan sahangaring idiin na siya.

“Huli ko lang nalaman na ang instruction pala is barilin ako diretso sa bahay ko, sabihin lang lumaban,” litanya pa ng nagtatagong mambabatas.

Nang tanungin kung ano ang posibleng motibo, nais umano ng dalang opisyal na kontrolin ang negosyong e-sabong sa kanyang nasasakupan.