![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/04/DL.jpg)
PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng driver’s license na mapapaso mula Abril 24 ng hanggang Oktubre 31, 2023
Sa isang Memorandum Circular na nilagdaan ni LTO Chief Jay Art Tugade, inatasan rin ang mga traffic law enforcement groups na kilalanin ang expired driver’s license hangga’t wala pang abiso ang naturang ahensya, kasabay ng pag-amin na kinapos ng license cards ang LTO.
Gayunpaman, nilinaw ng LTO chief na inaasikaso na ang proseso sa pagbili ng materyales na ginagamit sa paggawa ng tamper-proof driver’s license cards.
Bukod sa pinalawig na bisa, tiniyak rin no Tugade ang mga motorista na hindi papatawan ng multa ang late renewal.
“All holders of driver’s license cards expiring 24 April 2023 onwards shall no longer be required to renew their licenses until October 31, 2023 or as soon the driver’s license cards become available for distribution to the public,” saad ng memorandum circular.
“Further, all penalties for late renewal transaction shall be waived,” dagdag pa sa direktiba ng LTO chief.
“Nagdesisyon ang LTO na gawin ang hakbang na ito dahil ayaw namin ng dagdag na abala sa ating mga motorista. Makakaasa ang publiko na marami pa pong mga hakbang ang LTO para sa kapakanan ng publiko,” pahayag ni Tugade.
Umaasa naman ang opisyal na agad nang matatapos ng DOTr ang procurement (pagbili) ng license cards sa layuning simulan ang paglilimbag ng lisensyang yari sa plastic card.
Samantala, inamin naman ng Department off Transportation (DOTr) na nakaamba rin ang kakulangan ng plaka para sa mga sasakyan.
“Posible na magkaroon na rin ng shortage… Sabi sa amin, ang plaka natin will be available until end June,” ani Transportation Sec. Jaime Bautista.
“Kaya kailangan na rin natin magkaroon ng procurement,”dagdag pa ni Bautista.
Ayon naman kay Transportation Undersecretary for Administration and Finance Kim de Leon, nakatakda na rin buksan ang biding para sa paggawa ng hindi bababa sa 13 milyong license plates – katumbas ng kontratang nagkakahalaga ng tumataginting na P5.2 bilyon.
“These include the backlog plates and the current requirements,” saad ni de Leon.
Sa naturang bilang, 11.5 milyon ang para sa motorsiklo.