
DALAWANG araw makaraang magmatigas laban sa isinusulong na extension para sa pagpaparehistro ng SIm cards, biglang kumambyo ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon sa DICT, bukas ang kagawaran sa posibilidad na palawigin ang SIM registration period, matapos makita ni DICT Sec. Ivan John Uy ang mga problema sa umiiral sa registration process.
Katunayan anila, nakatakdang pulungin sa Lunes (Abril 24) ni Uy ang mga kinatawan ng public telecommunications entities (PTEs) at iba pang stakeholders para alamin ang dahilan sa likod ng mababang bilang ng mga nairehistrong SIM cards.
Kabilang sa mga nakikitang dahilan sa kabiguan ng malaking bilang ng mga SIM card holders na i-rehistro ang kanilang subscriber identifivcation module ay ang kawalan ng ‘valid ID’ na bahagi ng mga rekisitos sa proseso.
“Sa Lunes, magkakaroon kami ng pagpupulong upang makuha ang mga statistics kung ilan na ang nakapagparehistro… Matignan kung ano ang talaga ‘yung mga problema bakit may ilan na hindi pa rin nakakapagparehistro,” ani Uy.
“Kahit mag-extend tayo, kung hindi natin ma-identify ‘yung gap… Hindi magiging effective ‘yung extension… Dapat pag-aralan mabuti tignan ang problema. If ever we do make an extension, the agency will already include adjustments in its rules to accommodate more demographics who have not yet registered their SIMs.”
Batay sa pinakahuling datos na isinumite ng tatlong PTEs, umabot pa lang sa 76,927,923 (katumbas ng 45%) sa kabuuang 168 milyong SIM cards ang nai-rehistro.
Gayunpaman, nilinaw ng National Telecommunications Commission (NTC) na hindi naman anila talaga target masungkit ang siento-por-sientong compliance.
Sa pagttaya ng mga telecommunications company, nasa 100 milyon lang angb aktibong SIM cards. – “Ang actual estimate ay close to 100 million ‘yung active SIMs… Kung ‘yan ang pagbabasehan, we have about 78 million to 79 million registered SIMS. We are hitting almost 80% registered.”