NANINDIGAN ang Philippine Coast Guard na ipagpapatuloy nila ang pag-iingay at pagsisiwalat sa mga pambabarako ng bansang China sa West Philippine Sea – dalhin man o hindi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa United Nations (UN) ang usapin sa United Nations (UN).
Para kay PCG Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng Task Force on the West Philippine Sea, ang kanilang pag-ingay na lang ang tanging paraan para malaman ng international community ang pang-agrabyado ng China sa mga bansang walang kakayahang makipagsabayan sa kanila.
“It is a tool to make sure Chinese aggressive behavior and bullying activities will be criticized by the international community, so the Chinese government will be able to modify how they act in our waters in the West Philippine Sea,” ani Tarriela.
Kamakailan lang, muling hinarang at binuntutan ng mas malalaking barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang dalawang sasakyang-dagat ng PCG na magkasamang naglalayag para maghatid ng suplay sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Maging ang pagdumog ng 52 Chinese military at fishing vessels sa Del Pilar at Escoda Shoal, hindi pinalampas ng Armed Forces of the Philippines na naglabas na mga larawang patuloy sa kanilang pahayag.
Naniniwala si Tarriela na paraan ng China paramihin ang kanilang mga barko maging mga bangka sa lugar para tuluyang masakop ang bahagi ng karagatan. Marami rin umanong ‘service contract’ sa ngayon sa Del Pilar Reef at Escoda Shoal para sa ‘oil exploration’.
Una nang kinastigo ng Estados Unidos ang agresyon ng China, habang nagsalita ang gobyerno ng Italya na nais panatilihin ang malayang paglalayag at kalakalan sa Indo-Pacific region.