
SA gitna ng napipintong kakapusan sa supply ng tubig, inatasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga operator ng ekta-ektaryang golf course at nagtataasang condominium na bawasan ang konsumo bilang paghahanda sa epekto ng El Niño phenomenon.
Maging ang mga residente ng National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lalawigan, hinikayat rin na magtipid ng tubig, batay sa DENR-Water Resources Management Office (WRMO) ng Bulletin No. 2.
Saklaw ng Bulletin No. 2 ang lahat ng barangay officials, condominium at subdivision managers, gayundin ang mga negosyante at residente sa mandatong bawasan ang mga aktibidad na malakas kumonsumo ng tubig, gaya ng pagdidilig ng mga damuhan (sa mga golf course) at paghuhugas ng mga sasakyan.
“As we prepare for even drier conditions due to El Niño, it is, more than ever, important to conserve water in order to prevent massive water interruptions later this year,” ayon sa kalatas ng DENR.
Nanawagan rin ang ahensya sa mga residente na ikonsidera ang pangongolekta ng tubig-ulan para sa paghuhugas ng plato, pagdidilig, paglilinis at iba pang aktibidades maliban sa pag-inom at pagluluto.
Inatasan rin ng DENR ang mga local government units (LGU) na iprayoridad ang pagbibigay pahintulot sa mga aplikasyon sa pagkukumpuni ng mga nasirang linya ng tubig sa nasasakupang lungsod o munisipalidad.
Sa pinakahuling datos ng NWRB, mas mababa na sa 180-meter critical level ang antas ng tubig na nakaimbak sa Angat Dam kung saan nagmumula ang 90% ng pangangailangan ng mga kabahayan at negosyo sa Metro Manila.