PARA kay Senador Imee Marcos, higit na angkop na bantayan ng Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang aniya’y napapadalas na paglapag ng mga US military planes sa Maynila at Palawan.
Mungkahi ng pa mambabatas na kapatid ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dapat rin timbangin ng mga naturang kagawaran ang posibleng epekto ng presensya ng mga sasakyang panghimpapawid ng US sa tensyon sa West Philippine Sea at maging sa Taiwan Strait sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Partikular na tinukoy ni Imee ang panibagong presensya ng ilan pang C-17 Globemaster ng US Air Force sa Maynila na lumapag dakong alas-6:03 ng umaga noong Biyernes mula sa Andersen Air Force Base sa Guam.
Nagtungo pa umano ito bago mag-ala 1:00 ng hapon at saka dumiretso sa Yokota Air Base sa Fussa, Japan bandang hapon.
Bagamat madalas na nawawalan ng signal ang eroplano habang bumabyahe, nairekord umano ng flight tracker na Flightradar 24 ang pag-alis nito mula sa Palawan bago mag alas 4:00 ng hapon (Manila time), at ang pagdating nito sa Yokota bandang 9:30 p.m., oras sa Japan.
Ipinakikita umano ng flight route nito mula Palawan ang pagdaan nito sa ibabaw ng Pampanga, Cagayan, at sa silangang baybayin ng Batanes at Taiwan bago tuluyang lumapag sa Yokota Air Base.
Napansin din ng mga pasahero ng mga commercial flight na paalis at papunta ng NAIA ang dalawang US military plane malapit sa runway na kanilang ibinahagi sa opisina ni Marcos.
Isang C-17 na may flight code RCH323 na umalis ng Tokyo noong Biyernes ng gabi ang naispatan sa hilaga ng Busuanga kinabukasan, araw ng Sabado, pasado alas-10 na ng umaga.
Subalit hindi ito nasubaybayan hanggang kinahapunan at nakita na lang ito na patungo na sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Pilipinas lampas alas-6 ng gabi.
Giit ni Marcos, bagamat may foreign military exercises ngayong buwan ay dapat na maging patas ang pagsubaybay sa ating maritime territory at Exclusive Economic Zone (EEZ).