IIMBESTIGAHAN ang mga bagong talagang barangay chair na sumibak sa may 80,000 health workers.
Ito ang sinabi ni BHW party-list Angelica Natasha Co matapos maglabas ng memorandum ang Department nf Health (DOH) sa mga regional field office nito na nag-uutos para protektahan ang lahat ng registered and accredited na barangay health workers o BHW laban sa hindi makatarungan pagsibak sa mga ito.
Bukod dito, nakapaloob din sa memo ng Bureau of Local Health Systems Development na humihiling sa bawat DOH Center for Health Development na tulungan ang mga local health board sa pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naging implementasyon sa inilabas na joint memorandum circular sa pagitan ng DOH at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa isang joint memorandum ay malinaw na nakapaloob ang pagsiguro na pangalagaan ang papel at serbisyo ng mga BHW at hindi maaaring tanggalin na lamang nang hindi binibigyan ng due process o dahil din sa pangingialam ng politiko.
Dahil dito, ayon kay Co, malinaw na nagkaroon ng paglabag sa joint memorandum circular ang pagsibak sa mga BHW.
“Considering that the barangay captains are duty bound to enforce and observe all the country’s laws and regulations, those who terminated the services of BHWs have violated the JMC,” ayon kay Co.
Hindi lamang aniya magdudulot ng malaking epekto sa paghahatid ng primary health care sa libong mga barangay sa buong bansa ang pagsibak sa mga BHW kundi milyong pisong pera ng bayan na inilaan para sa pagsasanay ng mga ito ang nasayang.