Ni ESTONG REYES
SA halip na katuparan ng asam-asam na pangarap, kahihiyan ang inabot ng isang army colonel matapos harangin ng kanyang mismong asawa ang napipintong promosyon para sa ranggo ng heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP)
Sa pagsalang ni Col. Ranulfo Sevilla ng Philippine Army sa Commission on Appointments (CA), inilahad ng kanyang asawang si Tessa Luz Reyes-Sevilla ang di umano’y pang-aabusong dinanas sa asawang sundalo.
“I think ‘di niya deserve maging isang general sa aking paniniwala kung isa kang heneral naiintindihan mo ang responsibility, accountability of the people,” wika ng kabiyak ng koronel na nominado sa ranggo ng heneral.
“Ganun ba ang isang kapita-pitagan gentleman na nag-graduate sa prestihisyosong academy, hinahayaan nakatira sa loob ng kampo ang kabit. Kami ng mga anak ay nagmamakaawa. Yan ba ang ipo-promote nyong general, matagal na kaming naghihirap tinitiis namin,” dagdag pa niya.
Kabilang sa reklamo ng asawa ni Sevilla ang kawalan ng suporta sa dalawang anak kabilang ang isang “special child” at pananakit.
Bunsod ng isiniwalat ni Gng. Sevilla, nagpasya ang mga miyembro ng CA na magsagawa ng executive session kung saan napagkasunduan isantabi na muna ang paggagawad ng promosyon kay Sevilla.
Gayunpaman, tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na muling tatalakin ng CA ang nominasyon ni Sevilla sa sandaling magsumite ng notaryadong affidavit ang koronel na tumatayong deputy commander ng AFP Operations Command sa Fort Magsaysay, lalawigan ng Nueva Ecija.
Partikular na tinukoy ni Zubiri ang usapin ng suporta ni Sevilla sa pamilya – “Basta pumayag si general na mayroon siyang waiver sa kanyang sweldo na itong halaga ay pupunta sa kanyang dependents, pwede raw mangyari yon. I think that’s a good compromise,” ayon sa lider ng Senado.
Tumanggi si Sevilla magkomento sa alegasyon ng asawa.
