NAHAHARAP sa panibagong reklamo ang kumpanyang pag-aari ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, matapos sampahan ng kaso ni Energy Secretary Sharon Garin ang Solar Para Sa Bayan Corporation (SPSB) bunsod ng umano’y kabiguan makapaghatid ng kuryente sa malalayong komunidad sa kabila ng iginawad na prangkisa noong 2019.
Sa inihaing reklamo sa Department of Justice, hiniling ng Department of Energy ang pagsasakdal sa mga opisyal ng SPSB at Solar Para Sa Bayan Holdings Corp SPBHC dahil sa paglabag sa Revised Public Service Act.
Kabilang sa mga respondent sina Antonio Legarda Sr., Benjie C. DOELegarda, Antonio B. Legarda Jr., Hazel Irish Pala Fuentes at Irma Flaminiano.
Nakasentro ang kaso sa Republic Act 11357 na nagbigay sa SPSB/SPBHC ng 25-taon legislative franchise para magtayo at mag-operate ng renewable-energy microgrids sa malalayong lugar.
Ayon sa DOE, hindi umano umusad kahit kaunti ang rural electrification na nakasaad sa prangkisang iginawad sa kumpanya ng batang kongresista.
Wala rin umanong rekord na nakakuha ang SPSB/SPBHC ng mga kinakailangang permit para magbigay ng kuryente sa mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan, ang prangkisa ay awtomatikong mawawalan ng bisa kung hindi mag-operate sa loob ng dalawang taon.
Kumbinsido rin ang DOE na “sinadya at kusang-loob na pinabayaan, hindi ginawa, o kinaligtaaan” ng mga opisyal ng SPSB/SPBHC gampanan ang mga serbisyong nakasaad sa prangkisa — mga paglabag na may parusang multa na aabot sa P22 milyon at pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon.
