NAUWI sa wala ang mahabang panahon ng pagsusunog ng kilay sa law school ng isang abogado matapos i-disbar ng Korte Suprema bunsod ng isang bulilyaso.
Sa kalatas ng kataas-taasang hukuman, kinilala ang “disbarred lawyer” na si Jose Hidalgo na sumabit matapos gumamit ng Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) compliance number sa isang paglilitis sa husgado.
Ayon sa Korte Suprema, malinaw na nilabag ni Hidalgo ang Code of Professional Responsibility and Accountability bunsod ng tinatawag na “misrepresentation.”
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan, obligadong dumalo sa mga seminal at legal training sa ilalim ng MCLE upang mapanatiling “updated” ang kaalaman sa batas at tamang asal sa propesyon.
Ayon sa records ng MCLE Office, walang compliance o exemption si Hidalgo mula 2001 hanggang 2019.
Kalakip ng desisyon ng Korte Suprema ang direktiba sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na tanggalin na ang pangalan ni Hidalgo sa talaan ng mga abogado.
Giit ng Korte Suprema, ang paggamit ng maling impormasyon sa mga dokumentong inihain sa hukuman ay malinaw na anyo ng “dishonesty” at paglabag sa tiwala ng korte.
Bukod sa disbarment, pinagmumulta rin ng P35,000 ng Korte Suprema si Hidalgo.
