BILANG katuparan sa pangakong preventive healthcare at pantay na akses sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan, inaprubahan ng Senado noong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang panukalang batas na nagsusulong sa kapakanan ng mga nakatatanda sa lipunan.
“Ang preventive care at maagap na interbensyon ay nakakabawas ng paghihirap, nagpapababa ng pangmatagalang gastusin, at nagliligtas ng buhay. Tinitiyak ng mga panukalang ito na ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay hindi isang pribilehiyo kundi isang karapatan—na dapat maabot ng bawat Pilipino, anuman ang edad o kondisyon,” pahayag ni Sen. Villar, ang pinakabatang senador ng Ika-20 Kongreso,” wika ni Senador Camille Villar sa isang pahayag.
Para kay Villar na kabilang sa mga may-akda ng Senate Bill 1509 (Philippine Geriatric Center Act), malaking bentahe ang pinagtibay na panukala para sa mas maagap at inklusibong sistema ng kalusugan.
Sa ilalim ng SB 1509, layon ng Philippine Geriatric Center Act itatag ang Philippine Geriatric Center (PGC) bilang isang tertiary specialty hospital sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Paglalarawan ng senador sa SB1509, isang malaking hakbang ang pagsasabatas ng isang komprehensibo, integrado, at napapanatiling sistema ng geriatric care para sa mga senior citizens at tumatandang populasyon—lalo na ang maralita at mga may malulubha at komplikadong karamdaman.
Ang itatatag na Philippine Geriatric Center ay magbibigay ng special medical care, diagnostic, rehabilitative, wellness, long-term, at palliative care na angkop sa pangangailangan ng mga nakatatanda.
Magsisilbi rin itong pambansang sentro para sa pananaliksik sa geriatric care, pagsasanay ng mga health professional, at pagbuo ng pamantayan para sa age-friendly at people-centered na mga pasilidad pangkalusugan, na ganap na nakapaloob sa balangkas ng Universal Health Care.
Inaprubahan rin sa ikatlo at huling pagbasa ang “Comprehensive Lupus Prevention Act,” isang panukalang batas na isinulong ni Villar (bilang co-author) sa hangaring itulak ang isang pambansang programa sa kalusugan laban sa Systemic Lupus Erythematosus (SLE).
Inaatasan ng panukala ang DOH na magsagawa ng isang komprehensibo at pambansang programa para sa pag-iwas, maagang pagtuklas, paggamot, at rehabilitasyon ng lupus, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko at pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga may lupus.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Center for Lupus and Autoimmune Diseases bilang pambansang teknikal at referral center para sa SLE at iba pang autoimmune diseases.
Nakapaloob din sa batas ang mandatory training para sa mga healthcare provider, paglikha ng information at monitoring system para sa mga kaso ng lupus, pagsasama ng early detection at screening sa mga benepisyo ng PhilHealth, at ang taunang pagdiriwang ng National Lupus Awareness Week tuwing unang linggo ng Mayo. (CESAR MORALES)
