HINDI sapat ang diplomatic protest para tuldukan ang panunuwag ng mga dayuhan sa nasasakupang karagatan ng Pilipinas sa gawing kanluran.
Ito ang buod ng mensahe ni Senador Francis Pangilinan kasabay ng panawagang dagdag-pondo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para igiit ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Para kay Pangilinan, higit na kailangan ang karagdagang pondo para palakasin ang depensa ng Pilipinas laban sa patuloy na panghihimasok at panggigipit ng China sa WPS.
Sa pagtalakay ng senado sa Senate Resolution No. 256 na tugon sa mapangahas na pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa pag-alma ng mga Philippine officials sa umano’y panggigipit ng China sa mga mangingisdang Pilipino at sundalo sa WPS.
“Pero kung mayroon tayong mas malawak na network at pondo para sa Coast Guard, isang civilian agency para mapatrolya ang ating mga karagatan, mas lalong lalakas ang depensa sa ating Exclusive Economic Zone at ang West Philippine Sea,” ani Pangilinan.
Aniya, nananatiling hamon sa Senado partikular sa liderato ng finance committee na tiyakin ang tuloy-tuloy na pondo para sa modernisasyon ng AFP.
“Again, it is a challenge for us in the Senate and the chairman of the Committee of Finance to help continue generating funding or providing funding for the strengthening and modernizing of our defense apparatus, Mr. President,” dagdag Pangilinan.
Sa 2026, nakakuha ng AFP ng P40 bilyon alokasyon para sa modernization program, na sumasakop sa pagpapahusay ng kagamitan, logistics, at training.
Aniya, nakaangkla ang matibay na maritime entitlement ng Pilipinas sa batas sa ilalim ng Republic Act 12064, o ang Philippine Maritime Zones Act of 2024 alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 South China Sea Arbitral Award na nagbasura sa expansive nine-dash-line claim ng China.
Sinabi pa ni Pangilinan na mahalaga ang diplomasya pero kakaiba ang pagkilos ng China sa WPS base sa sigalot nito sa ibang bansa tulad ng patuloy na insidente ng water cannon, pagbangga at harassment sa mga barko ng Pilipinas.
Giit niya, dapat tindigan ng Senado ang Department of National Defense at AFP, na komondena sa hayagang pananakot ng Chinese officials.
“The adoption of Senate Resolution No. 256 would signal institutional support for the defense establishment while reaffirming the country’s commitment to upholding the arbitral ruling through lawful and peaceful means,” sambit ng mambabatas.
Umani ng suporta ang panukalang resolusyon mula kina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at iba pang senador — maliban kina Senador Rodante Marcoleta at Robin Padilla na lantarang kumakampi sa China. (ESTONG REYES)
