HINDI lang pala sa budget insertion mahusay ang kontrobersyal na partylist congressman.
Sa ginanap na budget hearing ng Kamara, ibinunyag ni Agriculture Secretary Francis Tiu-Laurel ang umano’y panggigipit ni Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na umano’y nangungulit para bigyan ng mas malaking fish import allocation ang tatlong pagmamay-aring kumpanya.
Ayon kay Laurel, kabilang umano ang ZC Victory Fishing Corp. sa mga nais pa-bigyan ng alokasyon sa pag-aangkat ng isda mula sa ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na hindi lulusot sa kanyang tanggapan ang paniniga ng naturang mambabatas.
“Bago ako pumasok, they are allowing unloading in private ports, na kung sino lang maglista-lista. At ang dami kong tinanggal na listahan dahil maraming kalokohan sa totoo lang before my time sa importation ng isda,” ani Laurel.
“Ayoko nang sabihin kasi meron din isang congressman na humingi sa akin ng maraming allocations at hindi ko pinagbigyan ng isda at ang pangalan nu’n, Zaldy Co,” dagdag niya.
“We were being forced at that time to give him (Co) 3,000 containers of fish which I did not agree with. Pinipilit niya kami mag-issue ng import permit while we already have a formula.”
