MATAPOS ilabas ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang talaan ng mga opisyales ng Philippines National Police (PNP) na pinaniniwalaang bahagi ng tinaguriang ‘cover-up’ sa P6.7 drug bust noong Oktubre ng nakalipas na taon, tuluyang sinibak sa pwesto ang hepe ng PNP-Drug Enforcement Unit (PDEG).
Sa kalatas ni PNP Director for Personnel and Records Management Major General Robert Rodriguez, inalis bilang PDEG director si Brig. Gen. Narciso Domingo.
Gayunpaman, mananatili sa serbisyo si Domingo na inilipat sa tanggapan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin.
Kasabay ng pagkasibak kay Domingo, hinirang naman na kapalit sa pwesto si Brig. Gen. Faro Antonio Olaguera na hinugot mula sa PNP Logistics Service.
Nadawit ang pangalan ng dalawang heneral – sina Domingo atang nagretirong si Deputy PNP chief Lt. Gen. Benjamin Santos kaugnay ng di umano’y irregularidad sa operasyon kontra droga kung saan nadakip ang isang PDEG operative na si Master Sgt. Rodolfo Mayo.