MARAMI ang nagtataka kung paano nakakuha ng mataas na satisfaction ratings ang Unithieves sa pinakahuling survey ng False Asia. Dangan naman kasi, kung susuriin mabuti ang umiiral at kasalukuyang kalagayan ng ating pamumuhay – mas lumala kumpara sa naunang administrasyon.
Makikita, mas tumaas ang halaga ng pangunahing bilihin, bunsod sa hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang salik sa merkado, ayon sa tangang pulangaw.
Tulad ng pagtaas ng halaga ng sibuyas, kamukat-mukat mo, kontrolado pala ng kartel ng ismagler ang presyo dahil bukod sa binarat ng trader ang farm gate price ng sibuyas, kinamkam ng maraming storage facilities ng trader kaya napilitan ang magsasaka na magbenta sa mababang halaga dahil walang maimbakan.
Kasabwat dito ang DA – Department of Angkat – na walang sawa at walang awang aprub nang aprub sa pag-aangkat ng produktong agrikultural na nakakasama sa lokal na magsasaka.
Bigas, aabot ng isang taon, hindi pa nagaganap ang pangakong ibaba sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas. Pero, ang nangyayari, kung kailangan anihan ng lokal na magsasaka, saka aaprubahan ang pag-aangkat ng bigas sa bisa ng Rice Tariffication Law na nagpapahirap sa Pilipinong magsasaka.
Hindi pa nakakaranas ang bagong henerasyon ng galunggong na huli ng lokal na mangingisda sa sariling dagat natin, bagkus puro frozen fish ang binebenta sa merkado na pinayagang angkatin ng DA sa China na kumuha naman ng supply sa West Philippine Sea na pasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Sobrang pait naman ang nalalasahan ng lokal na maliliit na negosyante sa pagbili ng asukal na inaangkat sa ibang bansa na higit na mas mababa sa lokal na produksiyon. Inaprubahan yan ng DA at Sugar Regulatory Administration kung kailan milling season ng taniman ng tubo.
Bukod sa nabanggit na produktong agrikultural, umaangkat din ang bansa ng ibang klase ng gulay na marami sa lokal na merkado tulad ng carrots na lubhang malinis at matagal mabulok sanhi ng kemikal na inihilamos sa gulay. Pero, ung ani sa Benguet, hindi mabigyan ng proteksyon ng DA laban sa pag-aangkat kasi kasabwat sila ng sindikatong kumokontrol sa import permits.
Hindi mangyayari ang ganitong senaryo kung ginagampanan ng DA ang nakaatang na mandato – isulong ang interes ng mga lokal na magsasaka, paunlarin ang produksiyon, paganahin ang pondong makakatulong sa pagpapaunlad ng lokal na sakahan, pagbibigay ng low – kung hindi man zero interest na pautang sa maliliit na magsasaka.
Kung lumalapag lamang ang agricultural technicians ng DA sa bukirin, matutunghayan at maituturo nila sa lokal na magsasaka ang tamang pamamaraan ng makabagong pagsasaka. Hindi dapat malalaking negosyante ang makinabang sa pondong inilaan sa DA, dapat yung mga maliit na magbubukid.
Bukod sa sektor ng magsasaka, marami pang problemang hindi natutugunan ng kasalukuyang administrasyon tulad ng patuloy na paglaganap ng droga, krimen, pagnanakaw, masamang sistema ng transportasyon hindi lamang sa lansangan kundi maging sa paliparan at ngayon sa karagatan na magtaas ng port fees.
Hindi rin natutupad ang pangakong pagandahin ang sistema ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagtaas ng sahod ng public school teachers, at pagpapagawa ng ilang libo pang silid-aralan dahil inatupag ng pekeng edukador ang intelligence funds kaysa pondohan ang naturang pagkukulang na ipinangako naman nila noong halalan.
Marami pa, marami pang lulutang na problemang walang nakikitang solusyon mula sa gobyerno, tapos uunahin pa ni Boy Sili ang pagbabago ng Saligang Batas na walang ibang layunin kundi palawigin ang kanilang termino.
Samakatuwid, nasaan iyong sinasabing satisfaction ratings na tumaas? Masasabi mong pabor ang nakararaming Pilipino sa pamahalaan kung hindi nila nararanasan ang nabanggit na problema o kung meron man lang ginagawa upang maibsan ang paghihirap ng pangkaraniwang Pinoy.
Eh hindi eh, mas lalong dumami ang problema sa kartel ng smuggling, droga na kasabwat mismo ang sumumpa ng “Serve and Protect” at malabong patakarang panlabas na nagpapahirap sa ating mangingisda at pabor sa China.
Sino ang nasiyahan? Sila-sila lang gamit ang buwis na galing sa bulsa ni Juan Dela Cruz na kanilang pinagpapasasaan – bukod sa sunod-sunod na junket na walang naiuwi kundi pangako – pledges na tila pampakingtab lng ng imahe masabi lang na may nagawa, walang malinaw na direksiyon tungo sa tunay na kaunlaran.
