MATAPOS maglabas ng direktiba ang Department of Justice (DOJ) sa malawakang pagtugis laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, nilinaw ng Korte Suprema na hindi pa tuluyang nireresolba ang kabuuan petisyon na inihain ng puganteng mambabatas.
Bilang patunay, inilahad ng kataas-taasang hukuman na nakabinbin pa rin ang mosyon na isinumite ng mga abogado ng senador.
Paliwanag ng Korte Suprema, ang inilabas na desisyon ay para lang umano sa hiling na ‘interim relief’ ng mambabatas.
Magugunitang sa botong 9-5-1, ibinasura ng Korte Suprema ang hirit na Temporary Restraining Order o Status Quo Ante Order ng kampo ni Dela Rosa na naglalayong pigilan ang mga ahensya ng pamahalaan na ipatupad ang inilabas na ‘arrest warrant’ ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Kinuwestyon din ng mga abogado ni Dela Rosa ang legalidad ng naturang warrant. Partikular na sinisilip ng kampo ng senador ang “constitutionality” sa implementasyon ng warrant, at nakaambang pagdadala sa mambabatas sa labas sa teritoryo ng bansa.
Sa en banc session, hindi pinaboran ng mga mahistrado ang hiling na TRO ng senador.
