HINDI pa man ganap na nalilinis ang pangalan sa kontrobersyal na Pharmally scam, muling lumutang ang pangalan ni Rose Nono Lin na dawit na rin sa illegal POGO at kalakalan ng droga.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, nabisto ang pagtatakip ng tinaguriang Pharmally queen sa asawang si Weixiong Lin alyas Allan Lim na pinaniniwalaang kabilang sa drug mafia ni former presidential economic adviser Michael Yang.
Pag-amin ni Rose Nono Lin, nagkita sila ng kanyang asawa sa Hong Kong noong unang araw ng Nobyembre ngayong taon. Pero hindi naman sinabi kung kailan kailan babalik ang asawang pumuslit patungong Dubai noong Mayo matapos muling madawit ang pangalan sa illegal POGO operation at kalakalan ng droga sa bansa.
Positibo rin kinilala ni Rose Nono Lin ang kabiyak sa ipinrisintang larawan kung saan magkasama sina Allan Lim at Michael Yang.
Gayunpaman, todo tanggi si Rose Lin sa alyas na ginagamit ng asawa.
Sa mga sumunod na tanong ni Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers, nabisto ang pagsisinungaling ni Rose Lin hinggil sa detalye kung saan, paano at kailan sila nagkakilala ng hinihinalang big time drug lord ng bansa.
Sagot ni Lin kay Barbers, taong 2009 lang sila nagkakilala ng suspected drug lord. Pero base sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA), Disyembre 6, 2004 ang petsa ng kapanganakan ng panganay nilang anak.
Sa usapin ng illegal POGO, inamin ni Rose Lin na marami siyang negosyo — kabilang ang Xionwei Technology na tinaguriang “mother of all POGOs”.
Batay sa ulat, pinagamit umano ni Lin ang lisensya ng kanyang negosyo sa mga offshore gaming operators kabilang ang mga sinalakay na illegal POGO hub sa Bamban (Tarlac) at Porac, Pampanga.
Inamin din ni Lin na ginamit niya ang pangalan ng kanyang mga pamangkin upang gawing stockholder at incorporator ng mga sinimulang kumpanya kasama ang business partner nilang si Michael Yang.
Kontrolado din aniya nilang mag-asawa ang mga naturang kumpanya tulad ng Paili Holdings, Xionwei Technology at Full Win Group of Companies.
Nanatiling tikom naman ang bibig ng tinaguriang Pharmally queen matapos ilabas ni Deputy Speaker Dan Fernandez ang ilang screenshots ng usapan nina Lin at ng kanyang mga tauhan na sina Alvin Constantino at Bong Lazaro.
Sa mga screengrabs, lumalabas na inutusan ni Lin si Constantino para ilabas ang mga gamit sa Porac POGO pagkatapos na isinagawang pagsalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Nakatakda naman pasiputin ng quad comm si Constantino sa susunod na pagdinig ng Kamara.
