KINALAMPAG ng grupong Ecowaste Coalition ang Commission on Elections (Comelec) dahil umano sa paglabag ng isang politiko sa batas na mahigpit na nagbabawal sabitan o pakuan ng mga karatula ang mga puno.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng Ecowaste Coalition ang nagkalat na tarpaulin ni former Taguig City Mayor Lino Cayetano kung saan nakalimbag ang mga katagang “LABAN LINO” sa iba’t ibang panig ng lungsod.
Para sa nasabing grupo, malinaw at hayagan anila ang paglabag sa Republic Act 3571 ng dating mayor na naghain ng kandidatura para sa posisyon ng Kinatawan ng ikalawang distrito ng Taguig sa Kamara.
“There is a law that prohibits the cutting, destroying, or injuring of trees, plants, and shrubs in public spaces,” pahayag ng Ecowaste Coalition hinggil sa mga karatulang ipinako sa mga puno.
Sa ilalim ng naturang batas, nakasaad din ang parusang kalakip sa paglabag,
“Any person who shall cut, destroy or injure trees, flowering plants and shrubs or plants of scenic value mentioned in the preceding sections of this Act, shall be punished by prison correctional in its minimum period to prison mayor in its minimum period.”
Panawagan ng grupo kay Cayetano at maging sa iba pang politiko — huwag idamay ang mga puno sa pulitika, kasabay ng giit na isulong ang national reforestation program.
“Marami naman paraan ng pangangampanya na hindi nakakapinsala sa kalikasan,” wika ni Aileen Lucero na tumatayong National Coordinator ng EcoWaste Coalition.
Bago pa man nagsulputan ang mga tarpaulin na ipinako sa mga puno, ibinasura ng Election Registration Board (ERB) ng Comelec-Taguig City ang kahilingan ni Lino Cayetano at ng kanyang misis na ilipat ang kanilang voter registration mula sa Ikalawang Distrito patungo sa Unang Distrito ng Taguig-Pateros.
Sa 24-pahinang resolusyon ng ERB, kulang umano ang ebidensyang naisumite ng mag-asawa para patunayan na sa Barangay Ususan na sila nakatira sa nakalipas na dalawang taon.
