
ANG dating kalmadong si Senador Bong Go, nagpakawala ng umaatikabong sermon sa mga opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hinggil sa paglilipat ng excess funds ng ahensya sa national treasury.
Partikular na pinuntirya ni Go si PhilHealth President Emmanuel Ledesma sukdulang bansagang “Boy Promise” sa dami aniya ng napakong pangako kaugnay ng panawagan pagsasaayos ng serbisyo at benepisyo sa mga miyembrong buwan-buwan kinakaltasan bilang kontribusyon sa naturang ahensya ng gobyerno.
Hirit ni Go kay Ledesma at iba pang opisyales ng nasabing ahensya, tumupad sa pangakong paiiralin ang mandatong kalakip ng batas na lumikha ng PhilHealth – ang isulong ang programang pangkalusugan para sa mga mamamayan.
Ayon sa senador, hindi na sana umabot sa eskandalo ang kapalpakan ng PhilHealth kung ginawa lang umano ng mga opisyales ang kanilang trabaho.
“Kung hindi pa naging kontrobersyal ang PhilHealth hindi pa nagkukumahog na gawin ang kanilang mandato,” ani Go.
Gayunpaman, nilinaw ni Go na hindi angkop ang zero-subsidy na ipinataw ng bicameral conference committee sa state insurer. Ang dahilan — mga maralitang pasyente ang magdurusa sa kapalpakan ng ahensya.