KASADO ang manhunt operation sa dalawang salarin na di umano’y pumaslang sa isang negosyante sa Quezon City Martes ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) dead on arrival ang 30-anyos na lalaki bunsod ng tama ng balang pinakawalan ng dalawang salarin na lulan ng kulay puting Honda PCX.
Ayon kay P/SSg George Caculba, dakong 11:40 ng gabi nang harangin ng mga suspek ang Toyota Fortuner na minamaneho ng biktima sa panulukan ng Chico at Lanzones Street sa Quezon City.
Ani Caculba, pauwi na ang biktima nang maganap ang insidente.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Lt. Darryl Ebol sa crime scene ang 12 piraso ng fired cartridge cases, dalawang deformed fired bullet, dalawang led core at isang metallic jacket.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo sa nangyaring insidente.
