
“KUNG may malinaw na plano at nagagamit agad ang pondo para sa dagdag-benepisyo, hindi sana zero ang subsidy.”
Ito ang mariing tunuran ni Bicolano lawmaker Manoy Wilbert “Wise” Lee kasabay sa pagbatikos niya sa Department of Health (DOH) sa naging kapasyahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na alisin ang government subsidy para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng 2025 National Budget.
“Ang sinasabing dahilan ng zero subsidy ay dahil marami pang pondo ang PhilHealth. Pero para sa atin, hindi ito ‘excess funds’ kundi ‘unused funds’ — pondo ito na dapat napakinabangan na ng mga Pilipino. Yung subsidy na ipinagkait para sa susunod na taon, ay mailalaan pa sana sa mga serbisyo para sa mas nangangailangan nating mga kababayan,” giit ni Lee sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kamakailan.
“Nung nakaraang taon pa natin in-expose na nasa mahigit 500 billion pesos o kalahating trilyon ang nakatengga sa bangko ng PhilHealth, na dapat gamitin ito agad sa pagpapalawak ng benepisyo. Pero anong nangyari? Napakakupad ng implementasyon. Ano ba talagang rason ng delay?,” tanong ng kinatawan sa Kamara ng AGRI partylist.
“Di ko matanggap na wala tayong paraan para bilisan ito. Kailangan ba araw-araw kayo magmeeting para magawa ito? A little more patience? Anong kapalit, more patients dying? Kung lagi na lang magtitiis sa napakabagal na dagdag na benepisyo, baka lagi nang ma-zero ang subsidy ng PhilHealth,” anang kongresista.
Pagbibigay-diin ni Lee, dapat gamitin ang lahat ng pondo ng PhilHealth para makapagkaloob ng sapat at dekalidad na health services sa mga Pilipino.
“Sa bilyon-bilyong halaga na meron ang PhilHealth at sa dapat na naipagkaloob na subsidy, marami nating mga kababayan ang pwedeng masagot na ang PET scan, CT scan, MRI, at mababawasan ang gastos sa pagpapa-ospital, lalo na sa pagpapagamot ng mga mabibigat na karamdaman,” ayon kay Lee.
“Oktubre pa natin hiningi sa DOH, sa kasunduan na pinirmahan mismo ni Sec. Ted Herbosa, na pinresenta natin sa Kongreso, ang komprehensibong plano para sa pagpapababa ng gastos ng Pilipino sa pagpapa-ospital. Pero wala man lang siyang paramdam sa atin. Kung may konkreto sanang plano kung saan gagamitin ang pondo, mas maipaglalaban pa natin ang subsidiya para sa PhilHealth,” sabi pa niya.
“Nasaan ang hustisya kung sa pagka-manhid at kapalpakan ng ilang namumuno, milyon-milyong Pilipino ang magdurusa at mapagkakaitan ng dagdag na benepisyong pangkalusugan? Kaya ang panawagan natin, magbitiw na si Sec. Herbosa kung siya rin lang naman ang nagpapabagal sa pagpapatupad ng mga benepisyong karapatan at deserve ng ating mga kababayan,” dismayadong pahayag ni Lee.
Naniniwala si Lee na sa kabila ng mga dagdag benepisyong na unang naipatupad ng PhilHealth ay hindi pa rin sapat ito at mistulang tingi-tingi pa rin ang serbisyo ng ahensya.
“Pwede ba natin sabihin sa mga kababayan natin na wag muna silang magkasakit, na wag muna silang magpa-opera kasi hinihintay pang madagdagan yung sasagutin ng PhilHealth?,” bulalas ng mambabatas.
“Marami ang pinipili na lang maratay sa bahay sa kabila ng karamdaman, sa takot na malubog lalo sa utang at kahirapan at maging pabigat pa sa kanilang mga mahal sa buhay. Kung magpapatuloy ang zero subsidy dahil sa kawalan o mabagal na benefit enhancement at malaking investible funds ng PhilHealth, di maibibigay sa mga Pilipino ang nararapat na kalinga. Without a clear and actionable plan and clear coordination between the DOH and PhilHealth, we are simply perpetuating a broken system that will prolong the suffering of our countrymen,” aniya pa.
“Ang layunin natin: ang gamot at pagpapagamot, dapat libre na, sagot na ng gobyerno. Wag tayong gumawa ng mga polisiya na paurong, kundi palapit sa katuparan ng mga nararapat na serbisyo para sa mga Pilipino,” wakas na pahayag ng mambabatas.(Romeo Allan Butuyan II)