
MAS magiging epektibo ang pambansang pulisya kung mananatiling malayo sa mga pakialamerong politiko, ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Sa isang pahayag, muling iginiit ni dela Rosa ang reporma sa Philippine National Police (PNP).
Para kay dela Rosa, dapat nang wakasan ang nakagisnang pakikialam ng mga politiko sa paglalagay ng mga opisyal sa puwesto.
Pangako ng senador na dating nagsilbing PNP Chief sa unang bahagi ng nakalipas na administrasyon, bibigyang prayoridad ang amyenda sa Local Government Code, partikular sa probisyong naggagawad ng kapangyarihan sa mga gobernador at mayor na pumili ng chief of police sa nasasakupang lokalidad.
Hindi aniya angkop sa hanay ng mga pulis humingi ng basbas sa mga politiko para maging regional at provincial director o kaya’y, city o municipal chief of police sa lugar na nasasakupan
“Uulitin ko yang proposal na yan dahil nga that’s the only way na ma-professionalize mo talaga to the fullest ang Philippine National Police. Uulitin at uulitin ko yan,” wika ni Dela Rosa.
“I’ve been a policeman my whole life. The most productive years of my life ginugol ko d’yan sa kapulisan kaya alam ko what ills our organization. Kung ano talaga ang pinakamalaking problema sa aming organisasyon, yang pakikialam ng mga pulitiko sa aming hanay. Yan ang pinakamabigat,” diin ng reelectionist senator.
Nitong 19th Congress, si dela Rosa ang tumayong sponsor at nagdepensa ng panukalang batas na naglalayong magkaroon ng organizational reforms sa PNP. Subalit ang probisyon na nagmumungkahing alisin sa local chief executives ang kapangyarihan sa pagpili ng city/municipal chief of police ay hindi napabilang sa pinal na bersyon ng Senate bill.
Pumayag si dela Rosa na mangyari ito upang bigyan-daan ang pagpasok ng iba pang panuntunan kabilang ang pagtatakda sa 57 years old ang retirement age ng mga kasapi ng PNP, na hindi rin naman kinatigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Maganda sana sa Philippine National Police para maging professional talaga, tanggalin yung koneksyon nila sa pulitiko, yung control ng mga politicians over the PNP, tanggalin dapat yan… kasi hangga’t nand’yan yan ma-politicize talaga ang PNP,” ani Dela Rosa.
“Let the PNP decide who, by merit, is going to be the provincial director, the regional director, the chief of police of every municipality. Tanggalin yung probisyon sa Local Government Code na ang pulitiko ang pumili,” pahabol ng senador.