SA gitna ng mas pinaigting na presensya ng mga sasakyang dagat ng China sa West Philippine Sea, ikinasa ng Pilipinas at Estados Unidos ang sabayang pagsasanay sa larangan ng aerial bombing.
Ayon kay Col. Ma. Consuelo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Air Force (PAF), Bajo de Masinloc ang gagawing sentro ng “bilateral bombing exercise” sa West Philippine Sea na pinamumugaran ng mga dambuhalang barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army – Navy (PLAN).
Pagtitiyak ni Castillo, base at naaayon sa umiiral na international rules ang sabayang air patrol, photo exercise at joint interception sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Pag-amin ng PAF spokesperson, posibleng magpadala ng radio challenge ng CCG at PLAN sa West Philippine Sea. Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na pinaghandaan na rin ng Pilipinas at Estados Unidos ang anumang hamon na magaganap sa pinagtatalunang teritoryo. (EDWIN MORENO)
