MATAPOS ang pananahimik bunsod ng pagiging abala bilang alkalde, biglang naglabas ng pasabog si Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa aniya’y pandurugas ng ilang taong gobyerno sa bahagi ng pondong inutang pa ng bansa para tustusan ang mga proyekto sa imprastraktura.
Para kay Magalong, isang retiradong heneral na higit na kilala sa pagbubulgar ng Oplan Exodus sa bayan ng Mamasapano kung saan hindi bababa sa 60 miyembro ng PNP-Special Action Force ang nasawi, angkop lang ang tinatahak na direksyon ng pamahalaan sa larangan ng imprastraktura.
Gayunpaman, hindi naman ani Magalong angkop na manahimik na lang ang mga mamamayan sa gitna ng di umano’y lantarang pandurugas sa pondo ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng alkalde ang bahagi ng salaping inutang pa ng pamahalaan para isulong ang malawakang programa sa imprastraktura. Hindi naman sinabi ni Magalong kung ilan at alin sa mga programa sa imprastraktura ang apektado sa aniya’y korapsyon sa pamahalaan.
“Ang nakakalungkot lang utang tayo nang utang, marami rin sa inuutang natin napupunta sa corruption,” sambit ni Magalong sa programang Teletinig, kasabay na panawagan sa mga mamamayan na huwag magsawalang-kibo kung may alam din lamang.
“Pabayaan na lang ba natin? Ibig sabihin tatahimik na lang ba tayo? alam natin nangyayari sa harapan natin tapos wala tayong ginagawa. Parang mayroon tayong napakalaking elepante sa loob ng kwarto tapos walang nagsasalita.”
