SA kabila pa ng umiiral na POGO ban, napabilang pa rin ang Pilipinas sa talaan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) bilang isa sa pinakamalaking scamming hub sa Southeast Asia.
Ang dahilan – ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Gayunpaman, nanindigan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na patuloy ang mas pinaigting na operasyon ng ahensya laban sa operasyon ng illegal POGOs sa bansa.
Paglilinaw ni Casio, hindi bago ang tinutukoy na talaan ng UNODC. Katunayan aniya, yun mismo ang nagtulak kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang ipagbawal ang mga POGO sa Pilipinas.
Partikular na tinukoy ng PAOCC spokesperson ang aniya’y masamang imahe ng Pilipinas sa international community bunsod ng pamamayagpag ng illegal POGO operation sa bansa sa mga nakalipas na panahon.
Pasok din aniya sa naturang report ang pamilya ni former Bamban Mayor Alice Guo sa mga personalidad at organisasyon na lumutang sa imbestigasyon.
Pag-amin ni Casio, isang bagong direktiba ang ibinaba ng Palasyo sa PAOCC – mas malalim na imbestigasyon sa illegal POGO operation.
“The Executive Secretary (Lucas Bersamin) wants us to dig deep into all of these kasi ang Pilipinas ay very infamous when it comes to these scamming activities. Na-mention tayo sa UNDOC report bilang isa sa pinakamalaking scamming hubs dito sa Southeast Asia,” ani Casio.
Aminado si Casio na malawak ang network ng mga sindikato sa POGO kaya halos wala na aniya silang tulog kasama ang Department of Justice para labanan ang tinawag niyang salot sa lipunan.
