INIULAT ang hindi pa kilalang Pinoy caregiver na sugatan sa pag-atake ng Palestinian Hamas militants sa Israel.
Sinabi ni Amie Afable, nagtatrabaho sa isang ahensya para sa Filipino caregivers sa Israel, binisita umano niya kamakailan ang isang lalaking caregiver sa ospital sa Tel Aviv, na nabaril sa balikat.
Sa kuhang video ni Afable, inilahad ng pasyente kung paano niya hinikayat ang kanyang employer na umalis sa kanilang tahanan dahil nakarinig siya ng mga putok ng baril at sigawan na papalapit sa kanila. Subalit, tumanggi ang kanyang employer.
“Nine-nerbyos na ako, kasi malapit lang ‘yung putukan, tapos may mga taong nagsisigawan. Naririnig ko yung mga terorista yun,” anang pasyente.
“Dinala ko pa yung alaga ko sa sala eh. Kasi nasa higaan, umaga ‘yun eh. Kasi ayaw niya talaga. Ilang beses ako, paulit-ulit, ayaw niya. (Ayaw niyang pumasok sa shelter?) Oo. Sabi noong anak, kung ayaw niya pumasok, hayaan mo nalang siya diyan, kung ano ang mangyari, takbo ka,” dagdag niya.
“Sa shelter, pabalik-balik ako, tinitingnan ko yung alaga ko, baka may ligaw na bala, tamaan… Hanggang sa sinisira na, binubuksan na nila ‘yung harapan ng bahay namin. Naka-lock. Sinisira na nila. Ang ginawa ko, takbo na ako. Hindi ko na makuha ‘yung alaga ko,” pahayag ng pasyente.
Sinabi ni Afable na walang pamilya ang Filipino caregiver sa Israel, kaya nagpaabot ng tulong ang kanyang kapwa caregivers at volunteer Filipinos.
“Talagang nakakaawa ang kalagayan niya. Wala siyang nailigtas na kahit ano. Lahat nasunog doon sa apartment niya. Nag-decide ako na dalhan siya ng damit, kaunting pagkain,” ani Afable.
“Wala siyang pamilya rito, pamilya niya yata nandiyan lahat sa Pilipinas. So yung mga volunteers, saka yung mga kasamahan niya, dinadalaw siya sa ospital araw-araw. Dinadalhan siya ng pagkain,” patuloy niya.