
SIMULA Oktubre 17, ipatutupad na ang inaprubahang bagong toll fees sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), sumailalim sa masusi at metikulosong pag-aaral ang probisyon bago nagdesisyon na magkaroon ng dagdag na presyo sa toll fees.
“NLEX Corp. had to comply with all the procedures and requirements, including the publication and posting of surety bond, before the Notice to Start Collection was issued on August 16, 2023. These provisional toll rate adjustments shall still be subject to further review by the TRB pursuant to its existing rules,” anang TRB.
Upang ibsan ang epekto sa mga motorista, ipinag-utos ng TRB ang implementasyon ng provisionally approved toll fees sa tatlong tranches sa loob ng tatlong taon.
Naghain ang NLEX Corp. ng toll rate adjustments noong 2020 at 2022.
Sa liham na may petsang Oct. 6 ngayong taon, ipinagbigay-alam ng NLEX Corp. sa TRB na target nitong simulan ang koleksyon ng unang tranche sa Oct. 17.
Magbabayad ang mga motoristang bumibiyahe sa Tarlac City hanggang Mabalacat na may Class 1, 2, at 3 vehicles ng karagdagang P25, P50, at P75.
Ang mga motorista namang bumibiyahe sa Mabalacat at Tipo, Hermosa Bataan na may Class 1 vehicles ay magbabayad ng karagdagang P40, Class 2 P81, at Class 3 P121.
Ang mga bumibiyahe naman “end to end” mula Tipo Hermosa, Bataan hanggang Tarlac City ay sisingilin ng karagdagang P65 para sa Class 1, P131 para sa Class 2, at P196 para sa Class 3.