
BINATIKOS sa Senado ang Maritime Industry Authority (MARINA) dahil sa umano’y pagkuha ng mga aning isda ng mga mangingisda dahil sa kawalan ng permit na mangisda sa laot.
Nabunyag ang raket ng mga tauhan ng MARINA sa pagdinig ni Senador Francis Tolentino sa Senate Special Panel on Maritime and Admiralty Zones.
Isinumbong ng mga mangingisda ang pang-aabuso ng mga tauhan ng naturang ahensya dahil minsan ay umuuwi silang walang huli dahil nakulimbat na ang mga ito ng mga taga-MARINA.
“Kawawa naman iyong mga mangingisda, kukunin lahat pati banyera dahil walang certificate,” sabi ni Tolentino.
Ayon kay Michael An, isa sa 11 mangingisda na nakaligtas sa aksidente malapit sa Bajo de Masinloc noong Oktubre 2.
Sinabi ng mga mangingisda na nahihirapan silang kumuha ng permit at magparehistro dahil napakalayo sa kanila ng MARINA office na nasa Maynila.
Dahil dito, hinarap ni Tolentino ang mga tauhan ng MARINA at sinita.
“Dapat lumapit kayo sa mga mangingisda. Wala na tayong isda, nag-aangkat pa tayo ng isda, tapos kayo naman pinapahirapan ninyo yung mga mangingisda.”
Idinagdag pa nito na “The root of all of these is the difficulty on securing a permit because you have no satellite offices.”
Itinanggi naman ni MARINA Enforcement Service Officer Atty. Benedicto Manlapaz ang mga pagkumpiskang nagaganap.
“We are not condoning any of these things especially to our fishermen,” sabi ni Manlapaz.
Hinimok naman ni Tolentino ang mga mangingisda na magsampa ng pormal na reklamo sa Senate Maritime Zones Committee para sa agarang aksyon.