
MAHIGPIT na nanawagan ang dalawang ranking official ng Kamara sa mga botante na huwag ihalal sa darating na May 12 midterm election ang mga kandidatong panig sa China sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, dapat kondenahin ng bawat mamamayang Pilipino ang patuloy na mga agresibong aksyon ng Chinese, na direktang pag-atake sa soberanya ng bansa.
“This is no longer just about the West Philippine Sea—it’s about our future as a nation,” wika Ortega. “Supporting candidates who are soft on China is the same as endorsing the harassment of our Coast Guard and the exploitation of our natural resources,” dugtong ng La Union solon.
“Bawat Pilipino ay dapat magtanong: Pahihintulutan ba natin na kontrolin ng China ang ating mga desisyon? O pipiliin natin ang mga lider na ipaglalaban ang ating soberanya at hindi nagpapadala sa mga dayuhang mananakop?”
Para kay Ortega, mabigat ang epekto ng maligalig na asal ng China sa ekonomiya ng bansa.
“This is about oil, gas, and fish that belong to Filipinos. Electing leaders who sell out our patrimony for political gain is a betrayal of our nation,” ani Ortega.
“Ang ating soberanya ay hindi ipinagbibili. Kung may mga kandidatong handang sumanib sa interes ng China, wala silang karapatang tumakbo sa anumang posisyon dito sa Pilipinas,” aniya pa.
“A vote for pro-China candidates is a vote against the heroes who fought for our independence, the fishermen fighting for their livelihood, and the Coast Guard risking their lives to protect our seas.”
Gayundin ang posisyon ni Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun, House Special Committee on Bases Conversion, na nagbabala sa sambayanan laban sa pagluluklok sa pwesto ng mga opisyal na pro-China.
“Ang darating na eleksyon ay mahalaga hindi lamang para magluklok tayo ng ating mga lokal at pambansang lider, kundi isyu na rin ito ng national security. We must choose leaders who will defend our territorial rights, not those who will bow down to China’s influence,” paalala niya.
“Ang boto natin ay sandata laban sa mga kandidatong nagpapagamit sa China. Huwag natin hayaan na masira ang kinabukasan ng ating bayan,” sambit pa ni Khonghun.
Aniya, dapat kilatisin ang mga kandidato na malapit sa China dahil ang kanilang magiging posisyon o polisiya na nais ipatupad ay makakaapekto sa economic at security interests ng bansa, kasabay ng hirit sa mga botante na bigyan timbang at prayoridad ang pagkakaroon ng integridad, lubos na pagmamahal at pagtatanggol sa bayan ng kanilang ihahalal.
Nagbabala rin ang kongresista sa disinformation campaigns na naglalayon linlangin ang mga botante at mahulog sa patibong na suportahan ang pro-China candidates.
“The Chinese propaganda machinery is at work, influencing narratives and promoting their chosen candidates. We must stay vigilant and informed. Panahon na upang ipakita natin ang ating pagkakaisa bilang isang bansa.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)