TULUYAN nang isinailalim ng Philippine National Police (PNP) sa “heightened alert” ang buong bansa kasunod ng mga kilos protesta ng mga tagasuporta ni former President Rodrigo Duterte na inaresto at inilipad ng International Criminal Court sa The Hague para harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga.
Pag-amin ng pambansang pulisya, partikular na pinaghahandaan ang anila’y posibleng gulo sa pagitan ng pamahalaan at mga taga-suporta ni Duterte.
Bilang patikim, naglunsad ng sabayang protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga kapanalig ng dating pangulo ilang oras matapos dakpin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang Martes.
Kabilang sa dinumog ng Duterte supporters ang Villamor Air Base sa Pasay City at maging sa balwarte ng mga Duterte sa Davao. Nanawagan din si former presidential spokesperson Harry Roque sa mga mamamayan na magtungo at manatili sa EDSA para panibagong “people power” na nagpatalsik sa ama ng kasalukuyang Pangulo ng bansa.
Samantala, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang sundalong bibitaw ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayong commander-in-chief ng bansa.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon hinggil sa umano’y pag-aaklas ng mga militar. (EDWIN MORENO)
